Magandang umaga po sa inyong lahat! Kamusta kayo ngayong umagang ito? Kamusta ang gising ninyo? Talaga bang gising na kayo?
Magpasalamat po kayo dahil maganda ang gising ninyo. Alam ninyo kasi may ilang mga taong gumising ngayong araw na ito na mabigat na mabigat ang loob. Siguro, para sa kanila, kung puwede sanang hindi na lang sila gumising ngayon. Mabigat ang loob nila. Masama ang loob nila. Puno ng takot ang loob nila. Para silang pinagtakluban ng langit at lupa. Baka nga hindi sila nakatulog sa tindi ng sakit ng kanilang kalooban. At tatlong araw na silang ganyan.
Noong nakaraang Linggo lang, masayang-masaya silang lahat. Nang pumasok si Jesus sa Jerusalem, hindi matigil ang pagpupugay ng madla. At dahil kadikit nila si Jesus, siguro pakiramdam nila, sikat na rin sila. Pinalagay nilang yaon na ang hinihintay nilang pagkakataon para patunayan ni Jesus na walang binatbat ang mga umaaway sa Kaniya. Marahil ang ilan pa sa kanila ang nag-akalang sisimulan na ni Jesus a ng armadong rebolusyon laban sa mga mananakop na Romano – sa wakas ay lalaya na ang Israel! Subalit, iba ang naging takbo ng kuwento. Walang armadong rebolusyong nangyari. Naging trahedya ang lahat. Mistulang si Jesus ang walang binatbat: hinuli Siya ng Kanyang mga kaaway, binugbog, pinagbuhat ng krus tsaka ipinako roon, namatay tulad ng isang kriminal. At ngayon, tatlong araw nang nakalipas. Ayaw man nilang tanggapin pero ang sinasabi sa kanila ng pangkaraniwang kalakaran ng kalikasan ay naroroon sa malamig at madilim na libingan ang bangkay ni Jesus, nangangamoy at nagsisimula nang maagnas. Nagkawatak-watak sila at napakabigat ng kanilang kalooban. Marahil kaya nga sila nagkawatak-watak ay dahil mabibigat nga ang kanilang kalooban. Pro ang mga kaaway ni Jesus ay masayang nag-iinuman habang pinagkukuwentuhan kung paano nila Siya nailigpit.
Tatlo sa mga alagad na ito ni Jesus ang binabanggit sa Ebanghelyo natin ngayon: si Maria Magdalena, si Simon Pedro, at si Juan.
Ayon sa Ebanghelyo ngayon, maagang-maaga pa raw ng unang araw ng sanlinggo kaya madilim pa nang nagpunta si Maria Magdalena sa libingan ni Jesus. Subalit hindi niya natagpuan si Jesus doon; kaya’t tumakbo siya agad kina Simon Pedro at Juan. Ito ang ibinalita niya sa kanila: “Kinuha nila ang Panginoon sa libingan at hindi namin nalalaman kung saan Siya inilagay.” Kitang-kita natin na ang reaksyon ni Maria Magdalena sa libingang walang laman ay hindi malaking kagalakan at pananampalataya sa magmuling-pagkabuhay ni Jesus. Ayaw dayain ni Maria Magdalena ang kanyang sarili: nakita niyang namatay si Jesus at kasama siyang naglibing kay Jesus, kaya’t patay na si Jesus. Matindi ang paniniwala niyang bangkay ang sasalubung sa kanya kung hindi bakit dala-dala niya ang pabangong pampahid sa patay?
Napakasakit para kay Maria Magdalena ang kamatayan ni Jesus. Alam nating pinalaya siya ni Jesus mula sa pitong demonyo. Binago ni Jesus ang buhay niya. Ngunit hindi niya mabago ang sinapit ni Jesus. Ang tanging magagawa na lamang niya ngayon ay ang dalawin ang mga labi ni Jesus. At dahil hindi na niya matagpuan ang mga labi ni Jesus, ang tanging naisip niya lamang na nangyari ay ninakaw ng kung sino ang bankay. Kay tindi ng kanyang kalungkutan kaya’t nang magbalik siya at magpaiwan sa libingan, matapos ibalita kina Simon Pedro at Juan ang nawawalang bangkay, ni hindi niya nakilalang si Jesus na pala ang kumakausap sa kanya. Lumuluha siya – nakapanlalabo ng paningin ang luha. Minsan nakakaakit ang libingan – si Maria Magdalena, nakakapit doon kahit sinabihan na ng dalawang anghel na wala roon si Jesus dahil Ito ay magmuli na ngang nabuhay.
Para kay Simon Pedro, katangi-tangi ang pait ng mga pangyayari. Alam nating lahat kung paano at makailang ulit niya itinatwa si Jesus. Nagsisisi man siya sa kanyang ginawa, ni hindi man lamang siya nakapag-sorry kay Jesus bago malagutan ng hininga sa krus. At ngayong tatlong araw nang nakalibing si Jesus, paano pa siya makahihingi ng tawad? Maaari ba siyang patawarin ng bangkay? At gusto man niyang tangisan ang bangkay ni Jesus, saan siya pupunta? Nawawala ang bangkay! Kahit bangkay ay wala.
Si Juan – siya ang minamahal na alagad ni Jesus. Bagamat mahal na mahal ni Jesus ang lahat ng Kanyang mga alagad, itinangi Niya si Juan. Kay Juan inihabilin ni Jesus si Mariang Kanyang ina. At sa Kalbaryo, nakita natin kung paanong sinuklian ni Juan ang natatanging pag-ibig na ito: hindi niya iniwan si Jesus, bagkus nanatili siya sa paanan ng krus hanggang wakas. Ngayong ibinalita sa kanila ni Maria Magdalena na nawawala ang bangkay ni Jesus, hindi kataka-takang nagmamadali siyang tumakbo patungong libingan. At nauna pa nga siya kay Simon Pedro subalit, dala ng paggalang sa pinuno ng mga alagad, hindi siya pumasok sa libingan hanggang hindi dumarating si Simon Pedro.
Subalit, kung paanong nauna siyang dumating sa libingan, nauna rin naman si Juan sa pananampalataya. Kapuna-puna kung paano nagwawakas ang Ebanghelyo ngayon. Sinasabi nitong, iisi ang nakita ni Juan at Simon Pedro: ang libingang walang-laman. Ngunit may nakita pa si Juan na hindi nakita ni Simon Pedro. Sabi ng ebanghelyo tungkol kay Juan: “He saw and believed.” Nakita niya at siya ay nanalig. Ito ang pananampalataya ng magmuling-pagkabuhay (“Easter faith”). At si Juan, ang minamahal na alagad, ang unang nakaranas ng Easter faith na ito. Si Maria Magdalena nga ang unang pinagpahayagan ng mga anghel pero si Juan ang unang naniwala sa ibinalita ng mga anghel. Si Simon Pedro nga ang unang pumasok sa libingang walang-laman pero si Juan ang naunang nakapasok sa puso ng magmuling-pagkabuhay.
Narating ni Juan hindi lamang ang libingan. Narating din niya ang magmuling-pagkabuhay. Una siyang nakarating sa libingan, una rin siyang nakarating sa pananampalataya. Ganyan talaga ang mga minamahal na alagad – lagi silang nauuna. Ang puso ng magmuling-pagkabuhay ay pag-ibig. At sa pamamagitan lamang ng pag-ibig mararating ang puso ng magmuling-pagkabuhay. Nakilala lamang ni Maria Magdalena ang magmuling-nabuhay na Jesus nang tawagin siya Nito, nang may buong pagmamahal, sa kanyang pangalan: “Maria.” Nakilala lamang ni Simon Pedro ang kapatawaran ni Jesus na magmuling-nabuhay nang tanungin siya Nito tungkol sa pag-ibig nang tatlong beses: “Simon, anak ni Jonas, minamahal mo ba ako nang higit sa mga ito?”
Minamahal tayo ni Jesus. Napatunayan na Niya ito: hindi lamang Siya namatay para sa atin, magmuli rin Siyang nabuhay para sa atin. Sabi ni Ninoy Aquino, “The Filipino is worth dying for.” Ang ipinakita naman sa atin ni Jesus, “We are worth rising for.”
Tayo, minamahal ba natin talaga si Jesus? Patunayan natin ito. Ang matibay na patunay na si Jesus ay magmuling-nabuhay ay ang libingang walang-laman. Ang tunay na himala naman ng magmuling-pagkabuhay ay ang pag-ibig na laging may laman.
Mahalin natin ang isa’t isa upang marating nating lahat hindi lamang ang libingang walang-laman kundi ang puso ng magmuling-pagkabuhay. Ang puso ng magmuling-pagkabuhay ay pagmamahal.